Niyebeng-itim
ni Liu Heng
Isinalin sa Filipino ni Galileo
S. Zafra
Paparating na ang bisperas
ng Bagong Taon. Nagpakuha ng litrato si Li Huiquan sa Red Palace Photo Studio,
isang bagay na ayaw na ayaw niyang gawin, dahil pakiramdam niya, lalo pa siyang
pinapapangit ng kamera. Sinabihan na siya ni Tiya Luo na sapat na ang apat na
piraso, ngunit nag-order siya ng labinlima. Nagulat ang klerk.
“Kinse?”
“Kinse nga.”
“Hindi kami siguradong
maganda pa rin ang litrato kapag ganoon karami.”
“Gusto ko sabi ng kinse!”
May pagkainis na sa kanyang boses at iyon lamang ang magagawa niya para
mapigilan ang sarili na suntukin ang pangang iyon. Nag-order siya ng kinse para
hindi na siya bumalik pa sa susunod at ikinabuwisit niya ang ituring na
kahangalan ang ganito.
Nang bumalik siya para kunin ang litrato, mas kabado siya kaysa nang kunin niya
ang mga abo ng kanyang ina sa crematorium. Tumalikod siya at lumakad papalayo
dala ang balutang papel nang hindi pa muna sinusuri ang litrato, at nang
nag-iisa na lamang, dinukot niya ang laman . Labinlimang magkakatulad na
litrato ang hawak niya, bawat isa ay nakatitig sa kanya nang may pare-parehong
hitsura. Sa kabuuan, mas maayos ang kinalabasan kaysa kanyang inaasahan. Parang
mas manipis ang kaniyang labi dahil nakatikom, nakatitig ang mga mata
niya. Hindi mo masasabing pangit. Sa katunayan, mas guwapo siya kaysa sa
maraming tao. Wala siyang reklamo.
Dinala siya ni Tiya Luo sa komite sa kalye kung saan pinagpasa-pasahan sila.
Nakipag-usap sila sa iba’t ibang tao hanggang sa isang may katandaang opisyal
ang nagbigay rin sa kanya ng lisensya para sa kariton. Hindi naaprobahan ang
kanyang aplikasyon para sa lisensya sa pagtitinda ng prutas dahil puno na ang
kota. Ang mga kontak ni Tiya Luo ay hindi makatulong o ayaw nang tumulong.
Mayroon na lamang lisensya para sa tindahan ng damit, sombrero at sapatos. Wala
nang
pakialam si Huiquan kung anuman ang maaaring itinda. Ang mahalaga, mayroon
siyang magawa. Nabalitaan niyang mas madali ang pagtitinda ng prutas, mas
mabilis ang kita; mas mabagal naman sa damit, at mas mababa pa ang tubo.
Nabalitaan din niyang kailangan niya ng maayos na tindahan o koneksiyong
blackmarket para talaga mapatakbo ito. Ngunit handa siyang sumubok. Kailangang
palakasin niya ang kanyang
utak, at di matatakot magtrabaho, maaayos ang lahat. Kahit maliit ang kikitain
niya, hindi naman liliit pa iyon sa natatanggap niya bilang ulila, hindi ba?
Bahala na.
nila mula sa compound ng gobyerno, nakabangga nila ang isang matabang
mama na tinawag ni Tiya Luo na Hepeng Li. Sabi ni Tiya Luo kay Huiquan na
tawagin itong Tiyo Li. Walang ideya si Huiquan kung hepe ito ng ano at kaninong
tiyo ito, ngunit naaalala niya rito ang matatabang sumo wrestler ng Hapon.
“Hindi ka ba magpapasalamat kay Tiyo Li sa lahat ng tulong niya?”
Magalang na yumuko si Huiquan, isang ugaling natutunan niya sa kampo.Kailangang
yumuko ang mga bilanggo sa lahat ng guwardya, inspektor, at tagamasid na
nakikipag-usap sa kanila o nakatingin man lang sa kanila- iyon ang pagsasanay.
Ginagawa na niya iyon dahil nakasanayan na. Ngunit halos di siya napansin ng
mama -- tila ito isang lalaking tumitingin ng kung anong paninda.
Pakiramdam ni Huiquan ay isa siyang basurahan o isang pirasong basahan na
nais magtago sa isang butas. “Ito ba siya?” tanong ng matabang
mama kay Tiya Luo.
“Mabait siyang bata, tulad ng sabi ko. Tingnan mo’t namumula na siya.”
Napatawa ang mama habang itinuon ang tingin kay Huiquan.
“Alam mo ba kung paano ka nakakuha ng lisensya gayong maraming retirado at
walang trabaho ang di-makakuha?”
“Dahil … dahil kailangan ko ng trabaho?”
“Iyon lang ba?” mapanlibak ang ngisi ng mataba.
“Dahil isa akong ulila?”
“Kinakalinga ka ng pamahalaan; tiyak kong alam mo iyan. Huwag kang manggugulo
at huwag kang sakim… nagkamali ka na. Kalimutan mo na iyon, dahil kapag umulit
ka, wala nang tutulong sa iyo.”
“Gagawin ko anuman ang ipag-utos ng pamahalaan.”
Isa na naman sa maraming islogan sa kampo. Nakabilanggo pa rin ang kaniyang
isip at damdamin kahit pinalaya na siya sa kampo. Kahit si Tiya Luo ay
tumangu-tango. Saan man siya magpunta, laging may nagsasabi sa kaniya kung ano
ang dapat at di-dapat gawin; sa pagtingin sa kanya nang mababa, umaangat ang
kanilang sarili. Namalagi siya sa bilangguan. Sila ay hindi at nararamdaman
niya na ang mga babala, panlalait, at paalala ay para lang sa kaniya; gamitin
ang ihian, walang dudura, bawal pumasok, limang yuan na multa - lahat ay
patungkol sa kaniya at tanging sa kanya lamang. Habampanahon na may
magpapahirap sa kaniyang buhay, magtuturo sa kaibahan niya at ng ibang tao,
hihila sa kanya paibaba. Gusto niyang lumaban, pero wala siyang lakas. Kaya
magpapanggap siyang tanga, umiiwas sa mga nagmamasid at nagmamatyag, Maraming
taon na
naman niyang ginagawa ito.
Masayang naglakad si Tiya Luo, di-pansin ang tamlay sa mukha ni Huiquan habang
nakasunod ito na parang bilanggo.
“Halos Bagong Taon na. Pwede kang manatili ngayong bagong taon sa amin.”
“Salamat, pero maayos na po ako…”
“Sa palagay ko’y matutuwa na ang ina mo. Kung buhay siya, ipapangalandakan niya
-- negosyante na ang anak ko; maganda ang kinabukasan niya; hindi na siya
katulad nang dati. Gusto kong pasalamatan mo ang nanay mo.”
“Sige po.”
“Bahala ka kung gusto mong mag-isa ngayong Bagong Taon pero hindi ibig sabihin
na pwede kang uminom.”
“Huwag kayong mag-alala.”
“Hindi na maaga para mamili para sa Bagong Taon. Isda, manok – kung ano-ano pa.
Kung hindi ka marunong magluto, pumunta ka rito at tuturuan kita. Dapat lang na
maayos ang Bagong Taon mo. Pagkatapos, dapat magtrabaho na. Ayusin mo at
hahanapan kita ng nobya. Ano sa palagay mo, bata?”
“Kayo ang masusunod.” Ngumiti siya ngunit matamlay. Ang isang yari sa kahoy at
canvass na ambi ay aabot ng sandaan o mahigit pa; kung may tatlong gulong,
dagdag na tatlong daan pa mahigit. Wala nang matitira para sa paninda. Hindi pa
nga nagsisimula’y kailangan na niyang humugot sa naipon ng kaniyang ina.
Kinabahan siya dahil wala na itong atrasan.
Isa o dalawang araw bago ang Bagong Taon, nakakita siya ng kakarag-karag at
lumang tatluhang gulong na sasaksyan sa East Tsina Gate Consignment Store na
230 yuan ang halaga. Ayos ang presyo pero napakasama ng kondisyon at
di-masasakyan. Mukhang maayos ang balangkas- kahit paano’y napanatili ang
hugis; walang gulong, pero mapakikinabangan pa rin ang gilid at rayos ng
gulong; walang kuliling , walang kadena, at walang tapakan, ngunit may preno at
pedal. Hindi siya makapagpasya at pinag-isipan niya sa lahat ng anggulo.
Nalibot na niya ang buong bayan. Ang mga bagong sasakyan ay nagsisimula sa
apat na raan, wala naming ipinagbibiling umaandar pang segunda mano. Sa isang
groseri, nakakita siya ng isang sasakyang yari sa kawayan na mukha namang
matibay, ngunit parang may mali rito. Kung magtitinda siya ng damit,
kakailanganin niya ang tatluhang gulong – para naman presentable.
“Gusto mo nito? Para saan?”
Lumapit ang klerk sa
kaniya.
“Kariton para sa mga damit.”
“Tamang-tama. Hindi ka magsisisi. Kung poste ng telepono, o kongkreto. O iba
pang katulad, hindi ko ‘to irerekomenda. Pero para lamang pala sa ilang tumpok
ng damit. Di ka gagastos ng higit sa sandaan sa pag-aayos nito, at pwedeng
tumagal pa ng lima, anim na taon.”
“Bakit di-gumagalaw?”
“Matigas ang preno. Aayusin ko.”
Ibinigay ni Huiquan ang pera, at kinaladkad ang walang gulong na sasakyan mula
East Tsina Gate patungong Dongsi, at mula roon, papuntang Chaoyong Gate. Dahil
sa kanyang natatanging sasakyan, naging sentro siya ng atensyon, bagaman hindi
naman nakapipinsala ang mga tingin sa kanya. Matapos bumili ng ilang parte sa
pagawaan ng bisikleta sa labasan ng Chaoyong Gate Boulevard, tinulak niya ang
kanyang sasakyan patungong East Lane ng Kalyeng Spirit Run papasok sa gate ng
bilang 18. Ang berdeng bayong na nakasabit sa kalawanging hawakan ng
sasakyan ay napuno ng tinimplang baka, dalawang pinakuluang manok, may
yelong isda, apat na paa ng manok at isang bote ng alak – hapunan para sa
Bagong Taon. Binili niya at madaling nakuha dahil ayaw na ayaw niyang nakapila
at wala naman siya talagang hinahanap para sa kanyang hapunan. Mas iniintindi
niya ang kaniyang sasakyan, ang kanyang bagong kaibigan, ang kaniyang tahimik
na kasama.
siya ni Tiya Luo para maghapunan, bisperas ng Bagong Taon. Dumaan ito
habang naglalagare siya ng kahoy, nakalambitin sa kaniyang bibig ang isang
pirasong manok. Tumanggi na muna siya. May naamoy ang Tiya at inangat nito ang
takip ng palayok. Pinalalambot ang paa ng manok sa kumukulong sabaw. Walang
makikitang berde – hindi balanseng pagkain. Sira na ang manggas ng kaniyang
panlamig; puno ng kusot ang kaniyang sapatos at laylayan ng pantalon; marumi at
mahaba ang kaniyang buhok. Naawa si Tiya Luo sa kaniya, ngunit tumanggi pa rin
si Huiquan. Ginagamit pa rin niya ang kahoy na iniwan ni Hobo, desididong
gumawa ng magandang patungan para sa kaniyang sasakyan.
Bumalik si Tiya Luo para imbitahan siyang manood ng TV – nakatatawang palabas
at iba pang kawili-wiling programa. Hindi dapat palampasin. Ngunit umiling
siya, hindi man lang tuminag sa kaniyang paglalagare.
“Marami pa po akong gagawin.”
“Hindi makapaghihintay kahit pagkatapos ng Bagong Taon.”
“Mas gugustuhin kong patapusin ninyo ako...”
“Marami namang panahon. Huwag mong tapusin agad lahat. Di ka dapat magpagod,
Bagong Taon pa naman.”
Sa umpisa, panaka-naka ang mga paputok, ngunit dumalas ang ingay at pagsapit ng
hatinggabi, akala mo’y sasabog na ang mundo. Ibinaba ni Huiquan ang lagare at
nagsalin ng alak. Matagal na pinalambutan ang paa ng manok kaya halos matanggal
na sa buto ang mga laman nito. Tama naman ang pagkaluto, medyo matabang,
marahil, kaya nilagyan niya ng kaunting toyo ang plato at isinawsaw niya ang
laman dito, at kumain at uminom siya hanggang sa mamanhid ang kanyang panlasa.
Maaaninag sa kaniyang bintana sa kaniyang likod ang pula at berdeng ilaw
paminsan-minsan. Karangyaan kahit saan ka lumingon, mula sa mga taong kuntento
sa kanilang buhay. Ano ang balak ng milyong taong ito ? Ano ang ipinagsasaya
nila?
Siguradong hindi siya kabilang sa kanila. Kung buhay si Ina, panahon iyon ng
pagbabalot ng dumpling, iyong maliliit na pagkaing pumuputok sa bibig na parang
kendi. Gustung-gusto niya iyon. Sa unang Bagong Taon niya sa kampo, pitumpu’t
anim ang nakain niya sa isang upuan, hanggang sa mabusog siya nang sobra’t
hindi na siya halos makaupo, at ginugol niya ang buong hapon sa paglalakad sa
laruan. Gayunman, kahit ang alaalang ito ay hindi nakapagpasaya sa kaniya.
Malagkit ang mga kamay niya dahil sa pinalambutang paa ng manok at sapin ng
malagkit na baboy, at nahihilo na siya dahil sa alak.
Lumabas siya at tumayo sandali sa bakuran. Walang lamig, walang hangin. Makulay
ang langit; maraming paputok sa lahat ng dako. Ang bakuran, na may mahigit sa
pito o walong talampakan ang luwang, ay tulad ng balon sa ilalim ng kumikinang
na bughaw na langit. Isang stereo ang bumubuga ng awit, iyong tunog na
di-maintindihan. Naiisip niyang mataba at pangit ang mang-aawit. Nakapanood na
siya ng ganito sa TV – magagandang boses at ngiti ngunit pangit ang hitsura
nila. Kumikisay sila sa iskrin, ang mga kilos ay nagpapatingkad lamang sa
kanilang kapangitan at ang mga awit nila ay ginagawang mga sigaw at halinghing.
Magagandang babae lamang dapat ang ipinakikita sa TV, subalit maaaring
nagkukulang na ng suplay. Bagaman lumalayo na si Huiquan sa mga babae, sumasagi
pa rin sa isip niya ang imahen ng magagandang dalaga. Wala sa mga ito ang
kilala niya dahil labo-labo na ang mga ito sa kanyang utak – malalabong imahen
na ang intensyon ay malinaw at tiyak. May mga panahon, natatanging panahon,
kung kailan pinapangarap niyang mapasasayaw niya sa kaniyang isip ang mga
imahen. Ngunit sa totoong mundo man o sa mundo ng ilusyon ay hindi niya
mapasunod ang mga ito. Walang magawa, napilitan siyang tanggapin ang kaniyang
kahinaan.
Ang isip ni Huiquan ay nabaling sa malalaswang dingding -- dingding ng banyo na
ang mga sugat ay hindi mabura, ginulping dingding na halos iguho ng malalaswang
pag-atake. Kakaiba, malaswang isip at dumi ay kakatuwang napapagsama nang
maayos doon, pinupuwersa siyang harapin ang maruming katawan na pinipilit
niyang itago. Mag-isa sa bisperas ng Bagong Taon, idinagdag niya ang sarili
niyang mga pantasya sa mga naroon sa maruruming dingding. Hindi pala ang mga
babae kundi marahil sa sarili pala niya siya naririmarim.
Sa sarili niyang paraan, inalagaan niya ang kaniyang sarili. Magulo, siyempre
pa, ngunit gusto niya ang gayon, lihim, ligtas, at di-komplikado. Mas maraming
mapagtataguan sa kampo kaysa kaya nilang bilangin – taniman, maisan, daluyan ng
irigasyon, di pa nabubungkal na bukid – na ang tanging nagmamasid sa kaniya ay
ang langit sa itaas at ang lupa sa ibaba. Nang naroon na siya, wala na siyang
pagtingin kay Xiaofen, kaya wala nang direksyon ang kaniyang pagkahumaling.
Bahala na. Alam niyang pinaglalaruan siya ng mga demonyo at wala siyang lakas
para labanan ito.
Pagod na siya. Paubos na ang mga pagputok. Ang madalang nang pagputok ay
nagpatingkad sa kalaliman ng gabi. Puno na ang mg tao ng kasiyahan, pagkain, at
laro, at oras ba para matulog ang lungsod, bago magbukang-liwayway. Wala siyang
kasama, at pakiramdam niya’y nawawala siya. Labas sa kaniyang mga pantasya,
wala siyang makitang babae na karapat-dapat sa kaniyang pagmamahal.
Si Luo Xiaofen, wala na sa kanyang isip, ay hinding-hindi ang babaeng iyon.
Hindi pa niya nakikita ito simula nang lumabas siya. Nagbabakasyon ito sa
Harbin kasama ng kaniyang nobyo, isang assistant sa kolehiyong normal, at isang
gradwadong mag-aaral sa matematika si Luo – isang tambalang itinadhana ng
langit. Ibinalita ni Tiya Luo, masaya at nagmamalaki, na magpapakasal na ang
dalawa sa Mayo.
Si Luo Xiaofen – kababata ni Hiuquan, sabay silang nagelementarya hanggang
gitnang paaralan, ngunit ngayon, wala na siyang pagkakatulad. Nasa Harbin si
Luo, samantalang siya, nasa kalyeng Spirit Run, sa isang madilim na sulok,
gumagawa ng hamak na bagay. Ngunit ito ang tadhana.Hinahamak siyang lagi ng
tadhana.
Sa unang araw ng bagong taon, pinagkaabalahan niya ang kaniyang sasakyan, sa
ikalawang araw, inilabas iyon para paandarin. Tuwang-tuwang siya sa mga
sisidlang ginawa niya. Nagbisekleta siya para tingnan ang mga pakyawan, para
pag-aralan ang mga lokasyon nito. Sa ikalima pa ang takdang pagbubukas ng mga
ito, tila pinagkaisahan siya. Walang magagawa hanggang sa araw na ito.
Matapos sumulat sa Instruktor Politikal Xue at ipadala ang liham, dumaan si
Huiquan sa isang tindahan ng libro at bumili ng mga kopya ng “Mga Multo sa
Isang Lumang Sementeryo at Mga Babaeng Ahas”. Pagbalik sa bahay, humilata
siya’t nagbasa habang kinaing-isa-isa ang saging. Nitong mga nagdaang araw,
nakaubos siya ng isang piling hanggang sa naging madulas ang kanyang bituka at
napapapunta sa inodoro buong araw. Maayos naman ang mga libro; hindi lang siya
makaalala ng istorya. Kaya’t binabasa niyang muli, at parang bago at
kawili-wili pa rin sa ikalawang pagbasa. Matapos niyang basahing muli ang mga
libro, itinabi niya ito at ang mga pader ay tila blangko at maputla. Saging pa.
Itinuturing na niyang mga gago ang mga awtor. Nakababato. Gayon pa rin bukas,
at may pakialam ba siya ? Ano ang pagkakaiba ng malaki at maliit na daga?
Parehong pangit; parehong patagu-tago.
Ibinigay kay Huiquan ang pwesto sa may daanan sa timog ng Silangang tulay. Dito
ang mga numero ay nakapinta nang puti sa mga ladrilyo na nasa isang mahabang
hanay ng tigdadalawang kwadrado-yardang pwesto; ang iba ay okupado, ang iba ay
hindi. Matapos niyang ayusin ang kaniyang tindahan, tinakpan niya iyon ng ambi
at inayos ang kaniyang sasakyan para magsilbing harap ng tindahan. Sa bandang
kaliwa niya ay ang daanang silangan-kanluran, sa bandang kanan, ang katapat
nitong hilaga-timog. Nasa tapat mismo ng paradahan para sa Eastbridge
Department Store. Nasa gilid siya ng alimpuyo ng mga tao, parang di humihinto.
Wala isa man lang na tumingin sa kaniyang paninda. Pagod pa sa nagdaang
okasyon, ang mga dumaraan ay palaiwas o bugnutin. Ang kaniyang designasyong ay
Timog 025. Hindi magandang puwesto. Siya ang ika-25 tindero ng damit sa isang
mahabang yardang lugar. Ang mga tindahan ng pagkain ay nasa hilagang bahagi ng
kalye, na may di kulang sa anim na nagtitinda ng inihaw na kamote at ilan pang
matatandang naglalako ng malamig na dalandan at halos bulok nang saging.
Napuno ng kulay berde sa kaniyang tindahan – isang bunton ng walong
kulay-olibang kasuotang pang-army. Isinampay niya ang ilan, inilatag ang iba,
at isinuot ang isa. Niloko siya ng matandang lalaki sa pakyawan. Hindi maitinda
ang mga kasuotan, panlamig na angora, at sapatos na gawa sa canvass. Ang
naitinda lamang niya nang araw na iyon ay mga angora, madaling naubos ang
dalawampung piraso. Mangyari pa, iyon ang pain para sa iba pang paninda. Ang
pakyawan ay tres-diyes. Ibinenta niya ang una ng apat na yuan at ang huli,
sais-beinte. Walang kinailangang magturo sa kaniya. Natuto siya nang iabot sa
kaniya ng unang kostumer ang pera ; huwag kang matataranta sa pera at kalimutan
mo na ang pagiging magalang. Sumigla siya, sa kung anumang dahilan; kumislap
ang mata niya, at napanatag siya. Sa wakas, isang bagay itong may kontrol siya.
Gusto sana niyang magtago ng isang gora para sa sarili. Para itong Ku Klux Klan
na talukbong – mga mata lamang ang makikita – at iyon ang kailangan ng
nagtitinda. Pakiramdam ni Huiquan ay makapangyarihan siya, tulad ng
misteryosong matanda na naglalako ng minatamisan na nakatayo sa harap ng
Eastbridge Department Store, sa dinaraanan mismo ng hangin, ilang oras na
walang imik, walang kibot. May mga kostumer siya – hindi marami, kaunti –
ngunit hindi na matagalan ni Huiquan na panoorin siya, alam niyang maaari
siyang sigawan nito kapag nagpatuloy pa siya.
“Sapatos na tatak-Perfection mula sa Shenzhen free economic zone. Sapatos,
tatak-perfection, gawa sa Shenzen…”
Nagulat ang mga naglalakad sa sigaw niyang ito. Narinig na niya ang ganitong
pagtawag sa Gate ng Silangang Tsina at sa Bukanang Gate, ngunit hindi niya alam
kung kaya niya ang ganito. Mahirap, sa isip niya; hindi niya kaya. Ngayon, alam
na niyang mali siya sa pagtantya sa sarili.
“Mga blusang Batwing! Halikayo rito ! Tingnan ninyo !”
Sa pagkakataong ito, napakasama ng tunog, ngunit tila walang nagulat. Ilan pang
segundo, nasanay na ang mga mamimili sa kaniyang kakaibang sigaw.
Maipagkakamaling galing sa aso o sa kotse, at hindi pa rin papansinin ng mga
namimili.
“Mga blusang Batwing! Seksi, seksi, seksi, mga babae!”
Kung makasisigaw lang talaga siya ng kung anong malaswa para mapansin. Buong
araw, binantayan niya ang kaniyang tindahan, mula umaga hanggang oras ng
hapunan, ngunit wala siyang nabenta, isa man lang panlamig na angora o isang
pares ng sapatos kaya -- wala maliban sa dalawampung angora. Kahit iyon lang,
ang may katandaang babae sa kaniyang kanan ay naiingit, dahil gayong mas
matagal na ito rito, naibenta lamang nito ay pares ng medyas at dalawang panyo.
Ang tindahan sa kaliwa ay binabantayan ng isang lalaking dadalawampuin na
muntik nang mapaaway sa isang kostumer dahil sa isang jaket na balat. Ang sabi
ng kostumer, iyon ay imitasyon; ipinilit ng tindero na tunay iyong balat.
Kinusot iyon ng kostumer at iginiit na imitasyon iyon mula sa ibang bansa.
Naubos na ang pasensya ng tindero. Alam ni Huiquan na tunay iyong balat, ngunit
hindi siya nakihalo sa gulo. Walang dahilan para sumangkot. Nang ang lalaki ay
nag-alok sa kanya ng sigarilyo, tumanggi siya. At siya naman ang nagsindi, di
niya pinansin ang lalaki. Wala siyang balak na mapalapit kaninuman. Kailangang
mag-ingat kapag sangkot ang ibang tao.
Siya ang huli sa hanay ng mga tindahan na nagsara ng araw na iyon. Alas nuwebe
na, kalahating oras matapos magsara ang department store. Madilim ang
paradahan, halos walang nagawa ang mga ilaw sa kalye; wala nang kostumer sa
gabi. Nagsasara na rin ang tindahan sa tapat, na binabantayan ng dalawang
lalaki, ngunit kahit gabing-gabi pa, parang ayaw pa nilang tapusin ang araw;
may lungkot at panghihinayang sa kanilang tinig.
“Medyas na nylon, pasara na ! Otsenta sentimos ang isang pares … otsenta
sentimos isang pares ! Paubos na ang medyas na nylon. Huling tawag ! Medyas na
nylon …
Dumaan ang kanilang sasakyan sa gilid ng kalye patungo sa daan, sa direksyon ng
tore ng pamilyang Hu. Pumedal ang isang tindero samantalang ang isa ay
nakaluhod sa sasakyan at iwinawagayway ang isang pares ng medyas na nylon.
Sandali lang ang kanilang lungkot na mabilis na pinalitan ng pambihirang tuwa.
Ang kanilang mga tinig – isang mataas, isang mahina – ay iginala ng hangin sa
gabi.
Sa sumunod na araw, nakabenta siya ng muffler.
Sa ikatlong araw, wala siyang naitinda.
Sa ikaapat na araw, wala pang kalahating oras pagkabukas niya ng tindahan,
nakapagbenta siya ng kasuotang pang-army sa apat na karpintero na kababalik
lamang sa Beijing mula sa timog. Pagkagaling sa Estasyon ng Beijing, tumungo
sila sa hardware sa tore ng pamilyang Hu, at nang marating nila ang
Silangang-tulay, nagkulay talong ang kanilang labi dahil sa lamig. Naligtas ang
kanilang mga balat ng kasuotang panlamig ni Huiquan, at ang kanilang pera ay
mabilis niyang isinilid sa kaniyang bulsa. Bago siya nakapagtinda, matamlay
niyang hinarap ang negosyo, ngunit nagbigay ng inspirasyon ang pagbili ng mga
karpintero. Tiyaga ang susi para sa isang buhay na matatag. Kahit sa
pinakamalalang panahon, walang ibubunga ang mawalan ng pag-asa. Mas mabuting
maghintay kaysa sa umayaw, dahil walang makaaalam kung kalian kakatok ang
oportunidad, Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay malas ka, hindi ba ?
Nag-iisip si Huiquan.
Mula sa Raya : Pagbasa at
Pagpapahalagang Pampanitikan
sa Filipino ni Aurelio S.
Agcaoli,2005