Unang Sabado ng paglabas niya nang hilingin na niyang
magdiwang ng kaarawan kahit hindi pa araw. Nangumbida ako ng maraming tao
kasabay ng biling ‘wag kalimutan ang regalo at pagbati ng “Happy
Birthday,Rebo!”. Kailangang di niya malimutan ang araw na ito. Dapat
pinakamasaya ang Sabadong ito sa lahat ng Sabado. Maraming-maraming
laruan. Stuffed Toys, Mini-Helicopter, Walkie-Talkie, Crush Gear,
Remote Controlled Cars, at higit sa lahat, ang Beyblade. Ang paborito
niyang Beyblade. Maraming-maraming Beyblade. Tinanggap niya ang lahat ng ito at
marami pang iba sa kaniyang kaarawan. Sa kaniyang pagtuntong sa limang taon.
Kahit di totoo. Kahit hindi pa araw.
Ikalawang Sabado, naki-bertdey naman siya. Pagkatapos ay
muling naglaro ng beyblade kasama ang mga pinsan.

Sa labas ng bahay na kanilang tinitirhan, lubos kong
ikinagulat nang tanungin niya ako ng; “Tay, may peya a?” (Tay, may pera ka?)
Dali-dali kong hinugot at binuksan ang aking pitaka at ipinakitang mayroon
itong laman. Agad akong nagtanong kung ano ang nais niya na sinagot naman niya
ng agarang pagturo sa isang kalapit na tindahan. Kung mabilis man akong
nakabili ng mga kending kaniyang ipinabili, mas mabilis siyang umalis agad sa
tindahan at nakangiting bumalik sa aming kinauupuan. Naglalambing ang aking
anak. Nang kami’y pumasok na sa loob ng bahay, naiwang nilalanggam na ang
nakabukas ngunit di nagalaw na
mga kendi sa aming kinaupuan.
Tuluyan na siyang nakalbo pagsapit ng ikatlong Sabado.
Subalit di na kusang nalagas ang mga buhok. Sa kaniyang muling pagkairita,
sinabunutan niya ang kanyang sarili upang tuluyang matanggal ang mga buhok.
Nang araw na iyon, kinumbida ng isa kong kasama sa trabaho ang isang mascot upang
bigyan ng pribadong pagtatanghal si Rebo nang walang bayad. Matapos ang
pagtatanghal, bagamat di man lang siya makangiti at makatawa, kitang-kita sa
kaniyang mata ang kasiyahan. Isang kasiyahang unti-unting humina at nawala.

Huling Sabado ng Pebrero ang ikalimang Sabado. Eksaktong
katapusan. Kasabay ng pagtatapos ng Pebrero ay pumanaw ang aking anak. Ilang
sandali matapos ang sabay na paglaglag ng luha sa kaniyang mga mata at pagtirik
ng mata, ibinuga niya ang kaniyang huling hininga. Namatay siya habang tangan
ko sa aking bisig. Hinintay lamang niya ang aking pagdating. Di na kami
nakapag-usap pa dahil pagpasok ko pa lang ng pintua’y pinakawalan na niya ang
sunod-sunod na palahaw ng matinding sakit na di nais danasin ng kahit sino.
Ikaanim na Sabado nang paglabas ni Rebo sa ospital. Huling
Sabado na masisilayan siya ng mga nagmamahal. Wala na ang beyblade at ang
may-ari nito. Payapa na silang nakahimlay sa loob ng kabaong. Magkasamang
tutungo sa lugar na walang sakit, walang gutom, walang hirap. Payapang
magpapaikot at iikot. Maglalaro nang maglalaro. Habang kaming mga naiwan ay
paglalabanan at pagaaralang tanggapin ang kirot ng pagkalungkot.
Aral Laging iparamdam ang pagmamahal sa mga taong mahalaga sayo, dahil hindi natin alam kung hanggang kailan pa natin sila makakasama.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento