Ang Alamat ni Prinsesa Manorah
(Isinalin sa Filipino
ni Dr. Romulo N. Peralta)
Isang alamat na
pasalin-salin sa iba’t ibang panahon at henerasyon mula noong panahon ng
Ayutthaya at nagbigay-inspirasyon kay Haring Rama V ng Thailand.
Si Kinnaree
Manorah ay isang prinsesa ng alamat ng Thai at ang pinakabata sa pitong anak
na kinnaree ng Haring Prathum at Reynang Jantakinnaree. Siya
ay nakatira sa maalamat na kaharian ng Bundok Grairat. Ang pitong kinnaree ay
kalahating babae at kalahating sisne. Sila’y nakalilipad at nagagawang itago
ang kanikanilang pakpak kung kanilang nanaisin.
Sa loob ng
kahariang Krairat (Grairat), nakatago ang kagubatan ng Himmapan kung saan din
namamahay ang mga nakatatakot na nilalang na hindi kilala sa daigdig ng mga
tao.
Sa loob ng
kagubatan, nakakubli ang maganda at kaaya-ayang lawa kung saan ang pitong kinnaree ay
masayang dumadalaw lalo na sa araw ng Panarasi (kalakihan ng
buwan). Sa di-kalayuan ng lawa, nakatira ang isang ermitanyo na nagsasagawa ng
kaniyang meditasyon.
Isang araw,
napadako ang isang binata habang naglalakbay sa kagubatan ng Himmapan. Siya ay
si Prahnbun. Nakita niya ang pitong kinnaree na masayang
nagtatampisaw sa ilog. Namangha siya sa nakabibighaning kagandahan ni Prinsesa
Manorah. Naisip niya na kung mahuhuli niya ang prinsesa, dadalhin niya ito kay
Prinsipe Suton, ang anak ng Haring Artityawong at Reyna Jantaivee ng Udon
Panjah. Tiyak na matutuwa ang prinsipe at tuluyang mapapaibig ito sa prinsesa.
Ngunit naitanong niya sa sarili kung paano niya ito mahuhuli.
Alam ni Prahnbun
na may ermitanyong nakatira sa malapit ng kagubatan. Pinuntahan niya ito upang
magpatulong sa kaniyang balak. Sinabi sa kaniya ng ermitanyo na napakahirap ang
manghuli ng kinnaree dahil agad-agad itong lumilipad kapag tinatakot. Ngunit naisip
ng ermitanyo na may isang dragon na nakatira sa pinakasulok-sulukan ng
kagubatan na maaaring makatulong sa kanila. Nagpasalamat ang binata sa
ermitanyo at nagmamadaling lumisan upang hanapin ang dragon.
Hindi natuwa ang
dragon nang marinig ang balak ni Prahnbun, ngunit napapayag din itong bigyan
niya si Prahnbun ng makapangyarihang lubid na siyang panghuhuli niya sa
Prinsesa Manorah. Nagpasalamat ang binata at patakbong umalis na dala-dala ang
makapangyarihang lubid at patagong tinungo ang ilog kung saan naglalaro ang
mga kinnaree.
Habang abala sa
paglalaro ang mga kinnaree, inihagis ni Prahnbun ang lubid at
matagumpay na nahuli si Prinsesa Manorah. Ganun na lamang ang pagkaawa ng ibang
mga kapatid ng prinsesa. Ngunit sila’y walang nagawa kundi agad-agad na lumipad
dahil sa takot na sila rin ay paghuhulihin.
Itinali nang
mahigpit ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa Manorah upang hindi makawala at
tuluyang madala pabalik sa Udon Panjah at maibigay kay Prinsipe Suton na noo’y
naglalakbay rin sakay sa kabayo papunta sa kagubatan. Nakasalubong niya si
Prahnbun dala-dala si Prinsesa Manorah. Agad-agad na naakit sa kagandahan ni
Prinsesa Manorah ang prinsipe.
Nang isalaysay ni
Prahnbun kay Prinsipe Suton ang dahilan kung bakit niya hinuli at dinala ang
prinsesa sa harap niya, nagpasalamat ang prinsipe at binayaran siya nito ng
napakalaking halaga.
Nagbalik ang
prinsipe sa kaniyang palasyo dala-dala si Prinsesa Manorah kung saan umusbong
ang isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Nang sabihin ng prinsipe sa kaniyang
inang prinsesa at amang hari ang buong pangyayari, masayang-masaya sila at
agad-agad nagbalak na magsagawa ng kasal para kina Prinsipe Suton at Prisesa
Manorah.
Bumalik sila sa
palasyo ng Udon Panjah kung saan isinagawa ang kasal at tuluyang namuhay nang masaya’t
matiwasay habambuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento