Martes, Setyembre 23, 2014

Aralin 2.3

Ang Kababaihan ng Taiwan, ngayon at noong nakaraang 50 taon
isinalin ni seila c. Molina

      Ang bilang ng populasyon ng  kababaihan sa mundo ay 51%  o  2% na mataas kaysa kalalakihan.  Maaaring isipin ng ilan na ang kababaihan ay nakakukuha ng parehong pagkakataon at karapatan gaya ng kalalakihan.  Ilang kababaihan lamang sa buong mundo ang nakakakuha ng pantay na karapatan at paggalang tulad sa kalalakihan.  Ang tungkulin at kalagayan ng kababaihan ay unti- unting nagbabago sa nakalipas na  50 taon.  Ito ay makikita sa dalawang kalagayan : una ang pagpapalit ng gampanin ng kababaihan at ang ikalawa ay ang pag-unlad ng kanilang karapatan
at kalagayan.  Nakikita ito sa Taiwan.  Ang unang kalagayan  noong nakalipas na 50 taon, ang babae sa Taiwan ay katulad sa kasambahay o housekeeper.  Ang tanging tungkulin nila ay tapusin ang hindi mahahalagang gawaing-bahay na hindi natapos ng kanilang asawa.  Ang mga babae ay walang karapatang magdesisyon dahil sa kanilang mababang kalagayan sa tahanan.
   Ngayon, nabago na ang tungkulin ng mga babae at ito ay
lalong naging komplikado.  Sa bahay ng mga Taiwanese, sila pa rin ang may pananagutan sa mga gawaing-bahay.  Ngunit sa larangan ng trabaho, inaasahang magagawa nila kung ano ang nagagawa ng kalalakihan.  Sa madaling salita, dalawang mabibigat
na tungkulin ang nakaatang sa kanilang balikat.   Ang ikalawang kalagayan ay pinatutunayan ng pagtaas ng kanilang sahod, pagkakataong makapag-aral, at mga batas na nangangalaga sa kanila.  Karamihan sa mga kompanya ay nagbibigay ng halaga sa kakayahan ng  babae at ang mga kinauukulan ay handang kumuha ng mga babaeng may kakayahan at masuwelduhan ng mataas.  Tumataas ang pagkakataon na umangat ang babae sa isang kumpanya at nakikita na ring may mga babaing namamahala.  Isa pa, tumaas ang pagkakataon para sa mga babae pagdating sa edukasyon.  Ayon sa isang estadistika mula sa gobyerno, higit na mataas ang bilang ng mga babaing nag-aaral sa kolehiyo kung ihahambing sa kalalakihan makalipas ang 50 taon.    At ang huling kalagayan ay ang pagbabago ng mga batas para sa pangangalaga sa kababaihan ay nakikita na rin.  Halimbawa, sa Accton Inc., isa sa nangungunang networking hardware manufacturer sa Taiwan,  ginawa nang isang taon ang maternity leave sa halip na 3 buwan lamang.  Ang gobyerno ng Taiwan ay gumagawa na ng batas sa pagkakaroon ng pantay na karapatan upang higit nilang mapangalagaan ang kababaihan.   Bilang pagwawakas, naiiba na ang gampanin ng mga babae at higit itong mapanghamon kung ihahambing noon.  Ang kanilang karapatan at kahalagahan ay binibigyan na ng pansin.  Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mga babae ay tumatanggap na ng pantay na posisyon at pangangalaga sa  lipunan.  Mayroon pa ring mga kompanya na hindi makatarungan ang pagtrato sa mga babaing lider nito. 
   Marami pa ring kalalakihan ang nagbibigay ng mabigat na tungkulin sa kanilang asawa sa tahanan.   Ito ay matuwid pa rin sa kanila.  Marami pa ring dapat  magbago sa kalagayan ng kababaihan sa Taiwan at malaki ang aking pag-asa na makita ang ganap at pantay na karapatan nila sa lipunan.  
http://women-in-taiwan-essay-htm/oct.1,2013

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento